Cauayan City, Isabela- Hindi na bago para sa hanay ng kasundaluhan ang mga ginagawang pananakot ng mga rebelde kasabay ng pagdeklara ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa kanilang planong pagsasagawa ng asasinasyon o pagpatay sa mga miyembro ng kasundaluhan, kapulisan maging sa mga kawani ng gobyerno kabilang na ang mga politiko.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Lt Col Gladiuz Calilan, Commanding Officer ng 95th Infantry ‘Salaknib’ Battalion ng 5ID, Philippine Army, kanyang sinabi na ang kanilang hayagang pagsasabi ng pag-atake sa mamayang Pilipino ay isa lamang sa mga lumang estratehiya ng CPP-NPA upang takutin ang publiko.
Isa lamang aniya itong taktika ng mga rebeldeng grupo upang pigilin ang mamamayan sa pananalita at paglaban sa kanila.
Ayon pa kay Col. Calilan, malinaw at ipinapakita lamang nila na sila ay mga terorista na gustong maghasik ng kaguluhan, takot at terorismo sa taumbayan.
Gayunman, hindi pa rin nagpapakampante at laging nakahanda ang hanay ng 95th IB sa anumang binabalak ng mga rebeldeng grupo.
Samantala, nagpapatuloy pa rin ang ginagawang leaflet-dropping ng 95th IB sa Sierra Madre upang manawagan at hikayatin ang mga natitirang rebelde na nalinlang lamang na sumapi sa New People’s Army (NPA).