Planong bagong buwis, magiging dagdag pasanin sa publiko

Pinaghihinay-hinay ni Senator Chiz Escudero ang Department of Finance sa planong buwisan ang single-use plastics at ang online purchases tulad ng subscriptions sa streaming apps tulad ng Netflix.

Giit ni Escudero, ang pagpapataw ng bagong buwis o pagtaas sa umiiral na buwis ay tiyak na magiging dagdag pasanin sa mamamayan na hindi pa nakakatayo mula sa COVID-19 pandemic.

Hiling ni Escudero sa gobyerno, maging sensitibo sa paghihirap na dinaranas ng publiko sa gitna ng patuloy na pagtaas sa presyo ng petrolyo, bilihin at kuryente.


Sa tingin ni Escudero, ang dapat unahin ni Finance Secretary Benjamin Diokno ay ang pagremedyo sa mga butas sa pangungolekta ng buwis, gayundin ang paglilinis at pagsasaayos sa koleksyon ng umiiral na mga tax at duties ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC).

Ayon kay Escudero, aabot sa halos ₱200 billion ang hindi nakokolektang buwis dahil sa kuraspyon at kawalang kakayanan o kapalpakan at ang naturang halaga ay mas mataas pa sa inaasahang makokolekta sa planong ipataw na mga bagong buwis.

Iminungkahi din ni Escudero na lubusin ang pakinabang sa Public-Private Partnerships (PPP) para mapondohan ang mga proyektong pang-imprastraktura.

Facebook Comments