Planong dagdagan ang pondo ng PCG, ikinatuwa ng ahensiya

Ikinagalak ng pamunuan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mungkahi ni Senator Richard Gordon na dagdagan  ang kanilang pondo  para higit na mapahusay ang kapabilidad ng ahensiya.

Ayon kay PCG spokesman Captain Armand Balilo, malaking tulong ang naturang plano ng senador dahil marami pang buhay aniya ang maliligtas kapag tuluyan ng madagdagan ang kanilang budget.

Mungkahi kasi ni Gordon na dagdagan ang budget ng PCG, matapos ang pagbangga ng isang Chinese vessel sa bangkang sinasakyan ng mga Pilipinong mangingisda sa Recto Bank.


Paliwanag ni Balilo, mahalaga na lalong mapalakas at mabigyan pa  ng sapat na mga  kagamitan ang Philippine Coast Guard (PCG), upang magamit sakaling mayroong hindi inaasahang sakuna sa karagatan gaya ng nangyari  sa mga mangingisdang Pilipino  na nalalagay sa panganib sa Recto Bank.

Giit ni Balilo kung mayroong sapat na mga kagamitan ang PCG hindi na mahihirapan na magsagawa ng mga rescue operation gaya ng kahalintulad na insidente  sa Recto Bank kung saan nalalagay sa balag ng alanganin ang mangingisdang Pinoy.

Facebook Comments