Planong ethics complaint laban kay Senator Trillanes, tinalakay ngayon sa caucus ng majority Senators

Manila, Philippines – Nagsasagawa ngayon ng caucus sa tanggapan ni Senate President Koko Pimentel ang mga senador na miyembro ng mayorya.

Ayon kay Senate Majority Leader Tito Sotto III na siya ring chairman ng ethics committee, kasama sa agenda ang plano ni Senator Richard Gordon na sampahan si Senator Antonio Trillanes IV ng ethics complaint.

Ayon kay Senator Sotto, papakinggan muna nila si Senator Gordon dahil hindi naman lahat sila ay nakapanood ng naging mainit na pagtatalo nilang dalawa ni Senator Trillanes sa pagdinig ng blue ribbon committee ukol sa mga anomalya sa Bureau of Customs.


Magugunitang nagkainitan sina Trillanes at Gordon dahil sa isyu ng pag-imbita kina Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at Atty. Mans Carpio na asawa ni Mayor Sara Duterte sa pagdinig ng Senado.

Sina Senators JV Ejericto at Manny Pacquiao ay nauna ng nagpahayag ng pagsuporta sa posibleng ethics complaint laban kay Senator Trillanes.

Si Senator JV ay noon pa binalak na ireklamo si Senator Trillanes makaraang tawagin nitong tuta ng adminstrasyong Duterte ang kanyang mga kasamahan.

Sabi naman ni Senator Pacquiao, dapat lang maimbestigahan ng ethics committee ang unparliamentary na asal ni Senator Trillanes.

Facebook Comments