Hiniling ni Senator Francis Escudero sa Department of Education (DepEd) na pag-aralan munang mabuti ang planong gawing mandatory ang pagsali ng basic education learners sa Boy at Girl Scouts of the Philippines.
Payo ni Escudero, silipin muna ng ahensya ang magiging ligal na implikasyon sakaling oobligahin ang mga estudyante na sumali sa scouting.
Paliwanag ng senador, ang Boy Scout at Girl Scout ay parehong private organization kaya may ligal na katanungan kung maaari bang gawing mandatory ang pagsali rito.
Mahalaga aniyang mapag-aralan muna ito upang masiguro na hindi ito makalalabag sa anumang probisyon ng Konstitusyon.
Una nang inihayag ni DepEd Secretary at Vice President Sara Duterte na plano nilang isama sa basic education curriculum ang mandatory scouting.
Dagdag pa ni Escudero, wala namang problema sa mga nais sumali sa scouting pero ibang usapin na kung gagawin itong mandatory.