Cauayan City, Isabela-Nanindigan si Cagayan Governor Manuel Mamba na gagawin umano nito ang lahat upang maging isang ganap na probinsya ang bayan ng Calayan sa buong rehiyon dos.
Sa isang pahayag, sinabi ni Mamba na hindi siya hihinto na isulong na gawing probinsya ang Calayan subalit kakailanganin ng plebisito at pagsang-ayon ng mamamayan sa buong lalawigan.
Bahagi rin ang naturang bayan sa Cagayan Agenda (CAGANDA) 2025 ni Mamba.
Matatandaang minsan ng iminungkahi ng opisyal ang planong ito sa mga kongresista ng Cagayan subalit tumanggi ang mga ito sa nais ni Mamba.
Kung sakaling maisakatuparan ito, bubuuin ito ng anim (6) na bayan at matitiyak ang pagiging tourism attraction ng Calayan.
Samantala, ikinumpara rin ni Mamba ang Calayan sa Batanes kung saan mas malawak umano ang Calayan kaya hindi imposibleng maging isang lalawigan ito.
Tinututukan naman ng Provincial Government ang proyektong imprastraktura ng Calayan na higit na magpapaangat sa natatagong ganda ng bayan.