Planong importasyon ng mga karneng manok at baboy, pinapaimbestigahan sa Kamara

Ipasisilip na rin ng Makabayan sa House Committee on Agriculture and Food ang binabalak na importasyon ng mga karneng baboy at manok na umano’y solusyon sa napakamahal na presyo ng mga nabanggit na produkto.

Sa House Resolution 1556 na inihain ng Makabayan ay inaatasan ang nasabing komite para siyasatin ang planong pag-aangkat ng mga karne at ang mataas na presyuhan ng mga pagkain.

Kabilang din sa mga pinasisiyasat ay ang mistulang pagbalewala umano ng pamahalaan sa sektor ng agrikultura sa bansa.


Ayon sa mga mambabatas, mula sa pagputok ng Bulkang Taal; patuloy na pag-atake ng African Swine Fever (ASF) sa mga baboy; serye ng mga kalamidad na tumama sa bansa; at COVID-19 pandemic, bumagsak ang sektor ng agrikultura ngunit tila hindi ito nabigyang-pansin.

Nakasaad sa resolusyon na ang planong pagtataas sa minimum access volume at pagpapababa sa taripa sa mga imported na karne ay pinangangambahang papatay sa local industries.

Dagdag pa rito, ilang dekada na ring nananawagan ang ilang grupo at organisasyon sa pamahalaan na suportahan ang agriculture industry ng bansa.

Bunsod na rin ng pandemya ay naging daan ito para mamulat ang mga Pilipino na kailangan nang magkaroon ng self-sufficiency, ireporma at i-realign ang mga polisiya para sa matatag na ekonomiya.

Facebook Comments