Nagsasagawa na ngayon ng berepikasyon ang Intelligence Operatives ng Armed Forces of the Philippines sa natanggap na report na target ng Islamic State Of Iraq and Syria o ISIS ang panggugulo sa ilang lugar sa Northern Luzon.
Ito ay matapos na kumalat ang isang memorandum mula sa Office of the Assistant Chief of Unified Command Staff for Intelligence ng Northern Luzon Command sa Tarlac City.
Nakasaad sa memo na nakatanggap sila ng impormasyon na target ng ISIS ang pagpapasabog sa Crusader City at Crusader Churches sa Northern Luzon.
Partikular na nakalagay sa memo ay Laoag City, Vigan City, Manaoag Pangasinan at Tuguegarao City.
Ayon kay AFP Spokesperson Brig Gen Edgard Arevalo, totoo ang memo pero ang nilalaman nito ay kinukumpirma pa nila.
Iniimbestigahan na rin ng AFP kung paano nakalabas sa publiko ang MEMO.
Babala naman ni Arevalo sa publiko lalo na sa mga taga Northern Luzon na maging mapagmatyag at alerto.
Tiniyak naman ng opisyal na nakatututok ang AFP para mapigilan ang mga plano ng ISIS.