Planong pag-iimbestiga ng ICC sa Pilipinas, walang epekto sa drug war review ng DOJ

Walang magiging epekto sa isinasagawang review ng Department of Justice (DOJ) sa mga kasong pagpatay sa ilalim ng anti-illegal drug operations ang hakbang ng International Criminal Court (ICC) na imbestigahan ang human rights abuses sa Pilipinas.

Matatandaang nais paimbestigahan ni ICC prosecutor Fatou Bensouda ang mga “crimes against humanity” na nangyari sa War on Drugs campaign mula sa November 1, 2011 hanggang March 16, 2019.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, ang hakbang ng ICC prosecutor ay hindi makaaapekto sa Philippines-United Nations (UN) joint program para sa technical cooperation sa human rights.


Bilang bahagi ng commitment ng Pilipinas sa UN Human Rights Council (UNHRC), nire-review ng DOJ panel mula nitong 2020 ang mga kasong pagpatay sa ilalim ng anti-illegal drugs operations na nangyari mula noong 2016 sa ilalim ng Administrasyong Duterte.

Ang Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay nakapag-turn-over na sa DOJ ng records ng nasa 200 kaso.

Samantala, sinabi rin ni Guevarra na ang Pilipinas at UN ay nakatakdang lumagda sa isang joint program na makatutulong sa bansa na imbestigahan ang human rights abuses na ginawa ng government forces.

Facebook Comments