Iginiit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon sa Inter-Agency Task Force (IATF) sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na pag-aralang mabuti ang plano nitong atasan ang mga pulis para magbahay-bahay at kunin ang mga COVID-19 positive para dalahin sa mga quarantine facility.
Paliwanag ni Drilon, ang nabanggit na hakbang ay lalabag sa constitutional rights ng mamamayan na maging ligtas at kampante sa kanilang mga tahanan.
Diin pa ni Drilon, ‘no warrant, no entry’ kaya hindi nararapat ang hindi makatwirang search and seizure o pagsaliksik at pagkumpiska.
Mungkahi ni Drilon, ang dapat kumilos ay ang mga health professional para magsagawa ng contact tracing sa mga nahawaan ng virus at hindi ang mga pulis na maghahatid ng takot at pagkabahala sa publiko dahil magpapaalala ito sa Oplan Tokhang.