Pinasisiyasat ni Senator Nancy Binay sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang plano ng Bureau of Corrections (BuCor) na ilipat ang headquarters nito at ang New Bilibid Prison sa Masungi Georeserve sa Tanay, Rizal.
Inihain ni Binay ang Senate Resolution No. 495 para silipin at pag-aralang mabuti ang maaaring masamang idudulot ng plano ng BuCor sa ating kalikasan at sa turismo ng bansa.
Iginiit ni Binay na mahalagang pag-ingatan ng ating gobyerno at ng pribadong sektor ang Masungi Georeserve.
Ito aniya ay kritikal na bahagi ng kalikasan na kailangang ingatan sa harap na rin ng banta ng climate change.
Nakasaad sa resolusyon ang report na inaangkin ng BuCor ang 270 ektarya ng lugar na may lawak na 300 ektarya.
Ang pinagbatayan ng BuCor ay ang proclamation 1158 na inisyu ni dating Pangulong Gloria Arroyo noong September 2006 na kung saan tinukoy ang Masungi Georeserve na bagong lugar para sa New Bilibid Prisons.
Kamakailan lang ay nag-ocular inspection na doon ang BuCor para sa balak na itayong mga training center, opisina at bahay para sa mga tauhan.