Planong pagsasara sa 13 U-turn slots sa EDSA, inalmahan ng mga motorista; MMDA, dumipensa!

Inalmahan ng ilang motorista ang plano ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na isara ang 13 U-turn slots sa kahabaan ng EDSA.

Pangamba ng ilang taxi driver, baka pagdudahan sila ng mga pasahero kung ibaba nila ang mga ito malayo sa kanilang destinasyon.

Problema rin daw ang konsumo sa gasolina dahil mapapalayo ang kanilang ruta bago makarating sa susunod na U-turn slot.


Pero depensa ni MMDA General Manager Jojo Garcia, mas malakas sa gasolina ang sasakyan kung patigil-tigil ito dahil sa traffic.

Nilinaw din ng opisyal na hindi sabay-sabay kundi dahan-dahang gagawin ang pagsasara sa mga U-turn slot sa EDSA at magpapadala naman sila ng notice.

Ayon pa kay Garcia, prayoridad ng MMDA na magkaroon ng dedicated bus lane para mapabilis ang biyahe ng mga commuters.

“Hindi po sabay-sabay na isasara, gradual po. Yung mga maaapektuhan po, ida-divert lang natin sila sa mga nearest intersection pero yung buong gitna po ng EDSA, hindi na po natin padadaanan mga U-turn niyan, dedicated lane na yan sa ating bus lane. Kailangan po talaga i-priority natin yung mga commuters natin no,” ani Garcia.

Samantala, sinisikap na rin ng MMDA na maparami ang bumabiyaheng bus sa EDSA para mapanatili ang social distancing lalo’t dumarami na ang mga nagko-commute.

Facebook Comments