Planong pagtakbo ni ACT Teacher Party-list Rep. Castro sa pagka-senador, tugon sa panawagan ng mga guro

FILE PHOTO

Tugon sa kahilingan ng mga guro ang pasya ni House Deputy Minority Leader at ACT Teacher Party-list Representative France Castro na kumandidato sa pagka-senador sa 2025 elections.

Ang desisyon ni Castro ay kasunod ng open letter mula sa mga guro na nagsasaad ng papuri sa matagumpay nitong paglilingkod bilang kinatawan ng tunay na tinig ng mga guro sa kongreso.

Nakasaad pa sa liham na dahil sa mahusay na pagtupad sa tungkulin ni Castro at pagsusulong sa intres ng mamamayan lalo ng mga guro at estudyante ay ito ang nararapat maging kalihim ng Department of Education (DepEd) kapalit ng nagbitiw na si Vice President Sara Duterte.


Ipinunto sa open letter na bagama’t kayang kaya ni Castro na pamunuan ang sektor ng edukasyon ay hindi naman tugma ang pananaw nito sa pananaw at layunin ng rehimeng Marcos.

Kaya giit ng mga guro, mas bagay si Castro sa Senado kung saan mabibitbit nito sa mas malawak na larangan ang laban para sa sahod, trababo at karapatan ng mamayan gayundin ang pagsusulong sa tunay na kasarinlan, hustisyang panlipunan, tunay na kapayapaan at pambansang kaunluran.

Binigyang diin ng mga guro na panahon na para magkaroon ng kauna-unahang senadora na isang classroom teacher at panahon na rin para magkaroon ng tunay na oposisyon sa politika sa bansa na nagdadala ng tunay na agenda ng mamamayan.

Facebook Comments