Planong pagtatayo ng imbakan ng palay at mais, inutos ni PBBM sa DA

May direktiba si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Department of Agriculture (DA) na pag-aralan ang feasibility study sa panukalang pagtatayo ng silos o imbakan ng palay at mais.

Ito ay para masigurong mayroong 30 araw na buffer stock ng palay at mais ang bansa.

Sa pakikipagpulong ni Pangulong Marcos sa Private Sector Advisory Council (PSAC) sa Malacañang, inutosan nito sina DA Undersecretary Drusila Bayate at National Food Authority (NFA) Administrator Roderico Bioco na pag-aralang mabuti ang planong pagtatayo ng rice and corn stations modules gamit ang mother-daughter o hub and spoke system.


Naging epektibo na ayon sa pangulo sa ibang bansa ang rice stations and modules para sa pag-iimbak ng palay.

Sinabi naman ni Aileen Christel Ongkauko ng La Filipina Uy Gongco Corp., at namumuno sa PSAC Agriculture group na ginagamit na ang naturang sistema sa China, United States at India.

Inirekomenda ng PSAC kay Pangulong Marcos ang pagtatayo ng mother-daughter stations para sa rice at corn storage sa buong bansa para matugunan ang Food Security Infrastructure Modernization Plan na programa ng administrasyong Marcos.

Sa panukala ng PSAC, 30 mother stations ang itatayo sa buong bansa.

Bawat mother station ay mayroong 10 daughter station modules na itatayo sa 30-kilometro ang layo mula sa main station.

Magsisilbi itong imbakan ng palay at mais sa loob ng 30 araw.

Maari aniyang sa Public-Private Partnership scheme ang programa dahil nagkakahalaga ang bawat mother station ng P5.7 bilyon kada isa o P170 bilyon para sa kabuuang proyekto.

Facebook Comments