Cauayan City, Isabela- Isasapinal ng provincial government ng Cagayan ang planong pagtatayo ng International Airport sa bayan ng Piat.
Ito ay makaraang pumabor ang mga mamamayan na nakatira sa lugar matapos ang ipinatawag na Public Consultation para sa nasabing plano.
Isinasaayos na ng pamahalaan ang imbentaryo kung sinu-sino ang nakapangalan at mga nakatira sa nasabing lupaing pagtatayuan ng Paliparan na sinakop ng Agrarian Reform Program upang matukoy kung sino ang mga karapat-dapat na tumanggap ng kabayaran mula sa pamahalaan.
Una nang inanunsyo ni Governor Manuel Mamba na kailangan munang mabayaran ng mga ito ang pagkakautang sa Land Bank of the Philippines at ang iba ay ipagkakaloob sa mga benepisyaryo.
Ipinaliwanag rin ni Mamba ang magandang dulot ng pagkakaroon ng Paliparan gaya ng pagpapalakas ng ekonomiya ng probinsya dahil magbubukas ito ng maraming oportunidad sa trabaho, negosyo at turismo.