Manila, Philippines – Mabigat ang basehan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdedeklara ng martial law sa Mindanao.
Ayon kay Solicitor General Jose Calida — isa lamang sa mga konsiderasyon sa desisyon ng pangulong magdeklara ng martial law ang ginawang pag-atake ng Maute Group sa Marawi.
Sa press conference kanina sa Davao City, sinabi ni Calida na pinakamabigat na basehan ng martial law ang umano’y ugnayan ng Maute at ISIS para maghasik ng karahasan sa Pilipinas.
Base sa monitoring ng security at intelligence unit may direktiba ang ISIS sa Maute na magtatag ng isang “ISIS province” sa Mindanao at maglunsad ng mga pag-atake.
Target din ng pag-atake ang mga itinuturing na ‘infidels’ o kalaban ng islam, kristiyano man o muslim sa Marawi City, Cagayan De Oro, Cebu, Davao, Zamboanga at maging sa Maynila.
Samantala, tahasan ding ibinasura ng Office of the Solicitor General (OSG) ang mungkahi ni dating Pangulong Fidel Ramos na bawasan ang mga lugar na sakop ng martial law sa Mindanao.
Ayon kay SolGen. Jose Calida, hindi praktikal ang mungkahi ni Ramos dahil walang secured boarders sa Mindanao kaya madaling makakalipat sa ibang lugar ang Maute group.
DZXL558