Cauayan City, Isabela- Puspusan ang ginawang pulong ni Cagayan 3rd District Congressman Joseph “Jojo Pulsar” Lasam Lara sa Department of Health, Department of Public Works and Highways, at Cagayan Valley Medical Center para sa pagpapatayo ng Mega Isolation Facility bilang sagot sa patuloy pagsipa ng COVID-19 cases sa probinsya.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Congressman Lara, batid nito na wala pang katiyakan kung kailan posibleng matapos ang kalbaryo ng mga Pilipino sa nararanasang pandemya.
Plano na maitayo ang 200 bed capacity na maihahanay sa Cagayan Valley Medical Center upang maibsan ang punuan na mga naitatalang kumpirmadong kaso ng COVID-19.
Dagdag pa rito, nakipagpulong din ang mambabatas kay DPWH Region 02 Director Loreta Malaluan para naman sa implementasyon ng proyekto.
Kasabay nito ay nauna na ring nagsagawa ng ocular inspection para sa pagtatayuan ng Mega Isolation Facility.
Kaugnay nito, uumpisahan na rin ang pagpapatayo ng 50 bed Isolation facility sa CVMC na inaasahang magagamit bago matapos ang taon.
Samantala, plano rin ang paglalagay ng molecular laboratory sa itatayong mega isolation facility upang magkaroon na rin ng hiwalay na pagsusuri at mapabilis na makapaglabas ng datos.
Una ng naitayo ang dalawang 32 bed Isolation Facility sa CVMC na binuksan noong Enero, at sa Gosi Sur, Tuguegarao City noon namang Pebrero.