Manila, Philippines – Kinontra ng Bagong Alyansang Makabayan ang planong taasan ang pasahe sa Light Railway Transit.
Ayon kay Bayan Secretary General Renato Reyes, kawawa ang mga pasahero na tatamaan ng fare increase kung ipapatupad ang contract provisions.
Batay kasi sa kontratang napagkasunduan ng gobyerno at ng Light Rail Manila Consortium, maaaring magtaas ng pasahe ang LRT-1 kada dalawang taon simula 2016 pero hindi pa ito natutuloy.
Nakapaloob din dito na 5 porsiyento dapat ang itataas mula sa kasalukuyang pasahe.
Halimbawa, kung P30 ang bayad mula sa Roosevelt hanggang Baclaran station, magiging P31.50 na ito.
Pagigiit ng grupo, mapagkakaitan ng due process ang commuters na gumagamit ng LRT dahil walang public participation at wala ring public hearing na isasagawa sakaling iimplenta na ito.
Samantala, sinabu naman ng LRMC, napabuti na nila ang serbisyo ng LRT-1 mula noong 2015.
Paliwanag ng pamunuan, Tumaas ang bilang ng tumatakbong tren, umayos ang mga istasyon at napaikli rin ang “waiting time” ng mga pasahero sa tren.
Matatandaan noong January 2015, huling nagpatupad ng fare hikes ang Department of Transportation sa 3 major trains sa Metro Manila kabilang na ang LRT1.