Cauayan City, Isabela- Ipinag-utos ng Environmental Management Bureau (EMB) region 2 ang pansamantalang pagpapatigil sa operasyon ng planta na bioethanol sa San Mariano,Isabela matapos ireklamo ng mga residente dahil sa mga naililipad na abo, mabahong amoy at maruming tubig na nagmumula sa planta.
Ayon kay EMB Regional Director Nelson Honrado, matagal na umanong problema ng mga residente sa lugar ang palagiang ‘ash fall’ o mga abo na napupunta sa kabahayan kapag nagsisimula ang kanilang operasyon.
Kaugnay pa nito, problema rin sa kalusugan ng mga residente anh nalalanghap na mabahong amoy at anhg kapansin-pansin na maitim na tubig na nagmumula sa isang tubo na nakakonekta sa planta na dumidiretso sa ilog.
Dahil dito, kaagad na umaksyon ang ahensya at nakitaan ng paglabag sa “Clean Air Act” at “Clean Water Act” ang kumpanya kung kaya’t agad na nagpalabas ng interim cease-and-desist order laban sa kumpanya.
Ayon kay RD Honrado, pitong araw ang ibinigay na palugit upang tiyaking maaayos ang problema sa ash fall at bypass canal dahil sa maruming tubig.
Ipinaliwanag naman ni Honrado na may mga prosesong isinasagawa ng kanilang tanggapan kapag may mga reklamo laban sa mga kumpanya kaugnay ng polusyon at ibang problema na maaring saklaw ng mandato ng EMB.
Masusi aniya nilang iniimbestigahan ang mga reklamong ipinaparating sa kanila lalo na kung ito ay magdudulot ng peligro sa buhay at kalusugan ng mga mamamayan at sa kalikasan.
Ang nasabing planta ay pinangangasiwaan ng Green Future Innovations Inc.