“Plastic drive” para sa face shield, ipinasasagawa sa mga LGU

Pinagsasagawa ng isang kongresista ng “plastic drive” ang mga Local Government Unit (LGU) kasunod na rin ng ibinabang kautusan na alisin na ang mandatory na pagsusuot ng face shield.

Ayon kay Assistant Majority Leader Fidel Nograles, sa pagsasagawa ng “plastic drive” ay matitiyak ang tamang disposal o pagtatapon ng plastic shields at hindi na ito makadaragdag pa sa problema sa basura.

Pinayuhan ng kongresista ang LGUs na makipag-partner sa mga kumpanya o grupo na nagsasagawa ng plastic recycling.


Maaari pa aniyang mapakinabangan ang plastic shield para sa ibang bagay kagaya na lamang ng paggawa ng Christmas decor.

Mayroon ding mga kumpanya na may kakayahang i-transform ang naturang plastic waste bilang construction materials.

Tinukoy ng mambabatas na batay sa pagtataya ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) umaabot sa 65 million face shields kada araw ang ginagamit ng 21.8 million households sa buong bansa.

Facebook Comments