Iminungkahi ni National Task Force against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr. na huwag munang gamitin ang playground sa mga eskwelahan sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sa public briefing, sinabi ni Galvez na kailangan munang inspeksyunin ng mga awtoridad ang mga eskwelahan na nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) para matiyak na nasusunod ang “new normal” configuration.
Aniya, mataas ang tiyansang magkaroon ng close contact sa playground.
Bukod dito, sinabi rin ni Galvez na dapat ding ipagbawal ang buffet sa mga canteens dahil posible ring magkahawaan lalo na at ibinababa ang face masks kapag kumakain.
Pinag-aaralan na rin ang pagkakaroon ng isang paaralan na magsisilbing modelo at maaaring gayahin ng iba pang eskwelahan.