Manila, Philippines – Minaliit lamang ng local telecommunication companies sa Pilipinas ang hakbang ng Estados Unidos na ilagay sa blacklist ang Huawei technologies.
Matatandaang inanunsyo ni US President Donald Trump na ipinagbawal na ang Huawei sa US market sa gitna na rin ng trade tensions sa pagitan ng US at China.
Sa statement na inilabas ng Philippine Long Distance Company o PLDT, tiniyak nito sa kanilang mga subscriber, mapa-PLDT man o Smart na ang mananatiling available ang mga Huawei handsets at devices sa pamamagitan ng kanilang official channels.
Makikipagtulungan ang PLDT at Smart sa Huawei para tugunan ang mga concern na may kinalaman sa mga susunod na firmware at software updates sa mga phone, pocket Wi-Fi units at iba pang devices.
Ang Globe telecom naman ay patuloy ang monitoring sa sitwasyon.
Ayon sa Globe, wala itong direktang epekto sa kanilang network services at hinihintay nila ang analysis ng ilang apektadong kumpanya.
Tiniyak din ng Huawei sa Globe na patuloy ang pagbibigay sa kanila ng security updates at after-sales services sa kanilang device users na gumagamit ng Globe network.
Sa ngayon, nasa “wait and see” mode ang mga telco kasunod ng latest development.