10 hotel at resorts sa El Nido, Palawan binigyan na ng cease and desist order

Binigyan ng isang linggo ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang 10 hotel at resorts sa El Nido, Palawan na sumunod sa environmental laws.

Ito ay matapos madiskubre ng ahensya na walang pakundangang naglalabas ng maruming tubig ang mga establisyimento sa Bacuit Bay ng El Nido.

Ayon kay DENR Undersecretary Benny Antiporda – naghain na ang environmental management bureau ng cease and desist order sa mga negosyo dahil sa paglabag sa Clean Water Act.


Sinelyuhan na rin ang kanilang water facilities gaya ng mga gripo at mga tubo.

Babala ni Antiporda – ang mga hindi tatalima sa environmental laws ay ipasususpinde ng DENR ang mayors’ permit ng mga negosyo para tuluyang maipasara.

Dismayado rin ang DENR sa mga lokal na opisyal ng Palawan sa mabagal na aksyon sa rehabilitasyon ng El Nido.

Magugunitang binigyan ng DENR, DOT at DILG ng anim na buwan ang Palawan LGU para linisin ang dagat.

Hindi rin lusot ang mga outgoing local officials na nagpabaya sa pagdumi ng El Nido.

Facebook Comments