Sisimulan na sa Pebrero 22 ang pagtalakay ng mga kongresista sa plenaryo sa Resolution of Both Houses No. 2 o ang amyenda sa restrictive economic provisions ng 1987 Constitution.
Kinumpirma mismo ni House Committee on Constitutional Amendments Chairman Alfredo Garbin Jr., na sa susunod na Lunes na ang pag-sisimula ng debate sa economic Charter Change (Cha-Cha).
Bagama’t hindi masabi ni Garbin kung magiging mabilis ang deliberasyon ng plenaryo sa economic Cha-Cha, naniniwala naman ito na tiyak na makikipag-debate dito ay mga “protectionist” o iyong mga ayaw pa ring magalaw ang restrictive economic provisions.
Gayunman, umaasa si Garbin na hindi na sila masyadong mahihirapan lalo’t batay sa “manifesto of support” ng super majority ng Kamara ay maraming sumusuporta sa economic Cha-Cha.
Ang RBH No. 2 ay ini-akda ni House Speaker Lord Allan Velasco kung saan layon dito na luwagan ang pamunuhunan at pagmamay-ari ng mga dayuhang negosyante sa bansa maliban sa pagmamay-ari ng lupa nang sa gayon ay makatulong ito sa pagpapanumbalik ng ekonomiya na lugmok ngayon sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Isisingit dito ang mga katagang “unless otherwise provided by law”, partikular sa Articles 12, 14 at 16 ng Konstitusyon.