Cauayan City, Isabela- Sinaluduhan ni PLTGen. Guillermo Eleazar, PNP Deputy Chief for Administration ang mga pulis sa Lambak ng Cagayan dahil sa ipinakitang dedikasyon sa pagsisilbi sa buong mamamayan.
Bilang panauhing pandangal sa pagpapasinaya at pagbabasbas sa bagong konstruksyon ng PNP Alicia Building na matatagpuan sa Brgy. Antonio, Alicia, Isabela, binigyang pugay nito ang mga kapulisan na naging katuwang ng publiko sa mga panahon na may kalamidad, malawakang pagbaha at sa nagpapatuloy na pandemya.
Inihayag din ni PLTGen. Eleazar sa kanyang pananalita na ang konstruksyon ng bagong PNP building sa ilalim ng pamamahala ni PBGEN Crizaldo O. Nieves, PRO2 Regional Director at PCol James M Cipriano, Provincial Director ng Isabela PPO ay bahagi ng programa ng PNP para sa mas angat at mas magandang pagbibigay serbisyo ng kapulisan.
Ang nasabing proyekto ay pinondohan ng pamahalaan sa ilalim ng programa ng PNP at DPWH na “Tatag Imprastraktura para sa Kapayapaan at Seguridad.”
Ayon pa sa talumpati ni PLTGen Eleazar, ang pagpapatayo sa bagong Police Station ay bahagi sa isinasakatuparang P.A.T.R.OL Plan ng PNP sa 2030.
Hinikayat at pinaalalahanan din nito ang mga tauhan ng PNP Alicia na alagaan ang kanilang bagong istasyon maging ang lahat ng pasilidad at assets ng pulisya.
Kinilala rin nito ang mga pagsisikap at suporta ng Local Government Unit ng Alicia para mabigyan ng lote ang Alicia Police Station na kinatatayuan na ng bagong building.
Muli naman nitong ipinaalala sa mga personnel ng PNP Alicia na walang puwang sa hanay ng PNP ang sinumang pulis na maaaktuhang sangkot sa mga iligal na gawain.