Hindi lamang pala isang beses sinaktan si Philippine Military Academy (PMA) 4th Class Cadet Darwin Dormitorio.
Maliban sa suntok, sipa, at pag-kuryente, nilagyan din ng plastic ang ulo ng kadete habang nakatali ang mga kamay.
Lumabas sa imbestigasyon ng Baguio City Police na naganap ang kalunos-lunos na mga insidente sa pagitan ng Agosto 19 at Setyembre 17.
Matatandaang namatay si Dormitorio noong Setyembre 18 ng madaling araw matapos magdugo ang katawan nito dahil sa tinamong blunt force trauma.
Kasabay nito, inilabas na din ng mga awtoridad ang pangalan ng tatlong pang suspek na direktang sangkot sa pagkamatay ng plebo.
Kinilala ang mga salarin na sila Cadet 3rd Class John Vincent Manalo, Cadet 2nd Class Christian Zacarias, Cadet 3rd Class Rey David John Volante, at Cadet 3rd Class Julius Carlo Tadena.
Batay sa karagdagang pagsisiyasat, si Manalo umano ang nagsilid ng plastic sa ulo ni Dormitorio at si Tadena naman ang gumamit ng taser sa pribadong bahagi ng katawan ni Dormitorio.
Bukod sa pitong suspek, sasampahan din ng kaso ang mga naka-duty na doktor sa PMA Hospital.