Siniguro ng pamunuan ng Philippine Military Academy (PMA) na makikipagtulungan at susunod sila sa anumang ipag-uutos ng korte kaugnay sa kaso ng pagkamatay ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio.
Ito ay matapos na makakita ng probable cause ang Baguio City prosecutor’s Office para madiin sa kasong murder o pagpatay sina PMA 3rd Class Cadets Shalimar Imperial at Felix Lumbag Jr..
Kabilang pa ang tatlong opisyal ng PMA Station hospital na sina Captain Flor Apple Apostol, Major Ofelia Beloy at Lieutenant Colonel Ceasar Candelaria na mahaharap din sa kasong murder.
Habang mahaharap naman sa kasong hazing at less serious physical injuries si PMA Cadet Julius Tadena habang si 2nd Class Cadet Christian Zacarias ay mahaharap sa kasong light physical injuries.
Ayon kay PMA Spokesperson Major Cherryl Tindog, kahit anumang dokumento o sinumang kailangan ng korte sa PMA ay makikipagtulungan sila.
Aniya, hangad ng PMA na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Cadet Dormitorio at mapanagot ang totoong mga may kasalanan sa insidente.
Tiniyak din ng PMA na magpapatuloy ang mga pagbabago sa akademya kung kinakailangan para hindi na maulit pa ang nangyari kay Dormitorio at para na rin sa ikagaganda pa ng mga regulasyon sa PMA.