100 porsyentong handa na ang Philippine National Police (PNP) sa eleksyon sa May 9.
Ito ang siniguro ni PNP Chief PGen. Dionardo Carlos.
Sinabi ni Carlos, nag-ikot na siya sa lahat ng Police Regional Offices, kabilang ang National Capital Regional Police Office (NCRPO) at “in place” na ang lahat ng paghahanda para masiguro ang seguridad sa eleksyon.
Naglagay na rin aniya ng mga Regional Special Operations Task Group (RSOTG) sa mga lalawigan na may “areas of concern” para tutukan ang “intense political rivalry”.
Ang gagawin na lang aniya sa susunod na 19 na araw hanggang sa eleksyon ay supervision, monitoring at direction na lang.
Sinabi pa ni PNP Chief na pagkatapos ng eleksyon hanggang June 30, ay may plano na rin ang PNP batay sa direktiba ng Pangulong Duterte at Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año.
Kaugnay naman ng mga lumulutang na alegasyon kaugnay sa posibleng “election sabotage” nilinaw ni Carlos na ito ay “raw information” at ibe-verify pa ng PNP, ngunit handa ang PNP para lahat ng posibilidad.