PNP ACG Spokesperson PCapt. Michelle Sabino, sibak sa pwesto

Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime Group (ACG) Director, PBGen. Sydney Hernia na sinibak na sa puwesto ang kanilang tagapagsalita na si P/Capt. Michelle Sabino.

Ito’y matapos ang kontrobersiyal na “collab” ni Sabino at ng social media vlogger na si Rendon Labador kung saan nalabag ang standard operating procedure sa ikinasang operasyon laban sa isang online lending company sa Makati City kamakailan.

Ayon kay Hernia, inilipat na niya sa ibang pwesto si Sabino at naghahanap na lamang sila ng papalit na tagapagsalita ng PNP ACG.


Una nang nagpahayag ng pagkadismaya si Presidential Anti-Organized Crime Commission USec. Gilbert Cruz sa ginawa nina Sabino at Labador dahil nalabag nito ang karapatan ng mga sangkot sa operasyon.

Matatandaang maging si PNP Chief PGen. Benjamin Acorda ay hindi nagustuhan ang ginawa ni Sabino kung saan dahil sa insidente ay maglalabas sila ng mga hakbang upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.

Sa nasabing kontrobersyal na Facebook live ni Rendon pinakita nito ang mukha ng mga empleyado ng sinalakay na lending company na tahasang paglabag sa Data Privacy Act.

Facebook Comments