PNP at AFP, iniangal ang kawalan ng konsultasyon at napakaliit na pabahay na ginawa ng NHA

Manila, Philippines – Hindi kinonsulta ng National Housing Authority o NHA ang Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines sa pagpaplano sa itinayong pabahay para sa kanila sa Pandi, Bulacan.

Ito ang inilahad ng mga kinatawan ng AFP at PNP na dumadalo ngayon sa pagdinig na isinasagawa ng committee on urban planning, housing and resettlement kaugnay sa pwersahang pag okupa ng grupong Kadamay sa mga housing units ng gobyerno na itinayo sa Pandi, Bulacan para sa mga sundalo at pulis.

Reklamo pa ng PNP at AFP, napakaliit o 22 square meters lang ang floor area ng bawat housing units na itinayo ng NHA.


Sagot naman ni architect Susan Monato ng NHA, kinausap nila ang housing board ng AFP at PNP para sa kanilang mga pabahay.

Pero pinabulaanan ito nina Lt. col. Vilorna Cabral ng AFP at P/ Supt. Antonio Taylan ng PNP.

Maging si NHA General Manager Marcelino Escalada Jr. ay aminado na kung siya ay tatanungin ay hindi rin niya matitirhan ang nagawang pabahay para sa AFP at PNP.

Bunsod nito ay nakwestyon sa pagdinig na bakit patuloy ang pagpapatayo ng mga pabahay sa kabila na hindi naman ito natitirahan at nananatiling nakatiwangwang.

Binanggit pa ni committee chairman Senator JV Ejercito na base sa report ng Commission on Audit noong 2015 ay umabot lamang sa 8.09 percent ang naokupahan mula sa kabuuang 57,494 na naitayong housing units para sa AFP at PNP.

Sa report naman ng NHA noong September 30, 2016 ay tumaas lang sa 13.82 percent ang occupancy rate.
Nation

Facebook Comments