PNP at DILG, pinakikilos vs ninja cops

Hinimok ni Senator Christopher “Bong” Go ang Philippine National Police (PNP) at Department of the Interior and Local Government (DILG) na paigtingin at panatilihin ang pagdidisiplina sa ating police force.

Ang apela ng senador ay kaugnay na rin ng napabalitaang pamamayagpag na naman ng ‘ninja cops’ at pagkasangkot ng ilang mga pulis sa iligal na droga.

Giit ni Go, trabaho ng pamunuan ng PNP at ng DILG na siliping mabuti ang isyu at paigtingin ang disiplina sa ating mga pulis sakali mang totoo na bumabalik na muli ang ninja cops.


Naunang inihayag ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa, Chairman ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs, na isang MSgt. Rodolfo Mayo Jr., ng PNP-Drug Enforcement Group ang naaresto nitong Oktubre sa isang buy-bust operation at nahulihan ng P6.7 billion ng pinaghihinalaang shabu.

Sa kabila nito, naniniwala pa rin naman si Go na marami pa ring mga pulis ang matitino, maayos magtrabaho at disiplinado.

Facebook Comments