PNP at iba pang ahensya ng gobyerno, nag-inspeksyon sa mga terminal ng bus, pantalan at paliparan

Ininspeksyon ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno ang latag ng seguridad sa ilang terminal ng bus sa Metro Manila.

Pinangunahan ng Philippine National Police ang pag-iikot sa Araneta Bus Port at Five Star Terminal sa Quezon City kasama ang mga opisyal ng National Capital Region Police Office (NCRPO), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Coast Guard (PCG), Land Transportation Office (LTO), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at Department of Health (DOH).

Pinaalalahanan ni PNP officer-in-charge Lt. Gen. Rhodel Sermonia ang mga driver na mag-ingat sa pagmamaneho lalo na’t mainit ang panahon.


Inatasan din niya ang mga force multiplier na tulungan ang mga pasaherong hirap sa pagbiyahe lalo na ang matatanda, may kapansanan at may mga dalang bata.

Sunod na pinuntuhan ng PNP at iba pang mga ahensya ang Manila North Port sa Maynila gayundin ang Parañaque Integrated Terminal Exchange at Ninoy Aquino International Airport.

Kuntento naman daw si Sermonia sa latag ng seguridad sa mga nasabing transportation hub.

Facebook Comments