Pumirma ng memorandum of understanding (MOU) ang Philippine National Police (PNP) at Sulong Peace Incorporated, isang non-government organization (NGO).
Ito’y kaugnay sa pagpapaangat pa ng kamalayan ng mga pulis sa pagpapatupad ng international law-enforcement standards at International Humanitarian Law (IHL).
Ayon kay PNP Chief General Debold Sinas, hindi na bagong human rights concept ang IHL o Law of Armed Conflict pero para maitatak sa isip ng mga pulis ang mga principles ng batas ay kanilang isinusulong ang pagpapaangat pa nito.
Pinakalayunin aniya nito ay maprotektahan ang mga sibilyan at mga non-combatants sa armed conflict situations at maianay pa ang human rights standards para manatili ang kapayapaan.
Inamin din ni Sinas na isa sa dahilan nang pagkakaroon muli ng MOU ay dahil sa mga ilang insidente ng paglabag sa karapatang pantao ng ilang pulis.
Nakapaloob naman sa MOU, na ang NGO at ang PNP Human Right Affairs Office ay magpapalitan ng ideya para sanayin ang police personnel lalo na ang mga nade-deploy sa mga armed conflict patungkol sa IHL.