Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pulis na higpitan ang pagpapatupad sa mandatory na pagsusuot ng face mask.
Sa pulong sa Inter-Agency Task Force (IATF), sinabihan ng Pangulo ang mga pulis na huwag matakot na arestuhin at agad na ikulong ang mga lumalabas nang hindi naka-face mask sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Giit ng Pangulo, sa panahong ito ng pandemya, maituturing na seryosong krimen ang hindi pagsusuot ng face mask dahil maaari silang maging carrier ng virus at makahawa.
“Under ordinary times, a simple violation of not wearing a mask seems to be trivial and social distancing, all of these things. But during times of health issues, you can because it can be serious crime. So, we’ll have to ask our police to be more strict. Hulihin talaga,” ani Duterte.
Aminado naman ang Pangulo na nakukulangan siya sa kooperasyon ng ilang mga alkalde sa pagpapatupad ng mga alintuntunin para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Kaugnay nito, ipinanukala niya sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na ipatawag ang mga local official na kapos ang performance sa pagpapatupad ng quarantine restrictions.
Samantala, ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, napagkasunduan nila sa pulong kaninang umaga, kasama ang mga local official na gawing uniform o pare-pareho ang parusang ipapataw ng mga LGU sa mga lumalabag sa quarantine protocols.