Duda ang ilang mambabatas na nagkaroon ng maayos na koordinasyon ang mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na sangkot sa “misencounter” sa Quezon City noong Miyerkules.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Ronald “Bato” Dela Rosa na hindi hahantong sa isang oras na putukan ang dapat sana’y anti-illegal drug operation kung nagkaroon ng koordinasyon sa pagitan ng PDEA at PNP.
Ayon sa dating PNP chief, malaki ang posibilidad na pinaglalaruan sila ng mga drug syndicate.
Maaari aniyang bahagi ng malaking sindikato ang informant o asset ng PNP at PDEA na siyang nagtutulak na magkaroon ng operasyon.
“Masasabi natin they properly ang coordination at properly disseminated yung coordination na yan sa lahat, walang mangyayaring ganyan,” ani Dela Rosa sa interview ng RMN Manila.
“Baka lang ‘no, isang napakalungkot na posibilidad na baka they were being played by the drug syndicate na sila-sila na lang yung pinagsasabong, pinagbabangga para sila-sila na lang yung magpapatayan,” dagdag niya.
Naniniwala naman si Surigao Del Norte Representative at House Committee on Dangerous Drugs Committee Chairperson Robert Ace Barbers na bukod sa koordinasyon, posibleng hindi rin nasunod nang maayos ang protocol kaya nauwi sa misencounter ang operasyon.
Kung mapatunayan man aniya ang anggulong “sell bust”, iginiit ng kongresista na dapat may managot dahil itinuturing itong iligal sa ilalim ng batas.
“Alam nating iligal ‘to, hindi ito sinasang-ayunan ng ating batas at ating operatiba kaya nagtataka kami bakit may sinasabing ‘sell bust’ na anggulo. Other than that e kung ang nagse-sell ay either ang PNP o PDEA e, alam mo namang bawal yun at it looks like drug trafficking yun. Dapat may managot kung totoo man ito,” giit ng kongresista.
Samantala, posibleng simulan ang pagdinig ng Senado ukol sa nangyaring misencounter sa Martes, March 2.