Limang kasong kriminal ang isinampa ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), San Fernando Municipal Police Station at Philippine Army sa 24 na miyembro ng Malayag Guerilla Front, Sub Regional Committee 2, North Central Mindanao Regional Committee.
Sa ulat ng PNP-CIDG, sinampahan ng kaso ang 24 na miyembro ng Guerilla Front matapos ang kanilang pakikipag-engkwentro sa mga pulis at militar sa Brgy. Mabuhay, San Fernando, Bukidnon.
Ang sagupaan ay nagresulta sa pagkakaaresto ng 9 na suspek, pagkaka-rescue sa 10-taong gulang nilang miyembro at pagkakapatay pa ng 4 nilang miyembro.
Narekober din sa mga grupo ang 26 assault rifles at assorted personal items.
Isinampa ang kaso sa mga ito sa Provincial Prosecutor’s Office sa Malaybalay City, Bukidnon.