Batanes- Mainit na sinalubong ng Batanes Police Provincial Office ang pagbisita ni PNP Director General Oscar Albayalde nitong ika-dalawa ng Hunyo sa Basco Airport, Basco, Batanes.
Batay sa natanggap na impormasyon ng RMN Cauayan, sinalubong nina PSSUPT John Cornelius Jambora, ang Deputy Regional Director for Operations (DRDO), PSSUPT Leumar Abugan, ang Chief, Regional Police Strategy Management Unit (RPSMU), PSSUPT Merwin Cuarteros, ang Batanes Provincial Director at mga Staff Officers ang pagdating ng naturang panauhin kasama si PRO2 Regional Director PCSUPT Jose Mario Espino.
Sa pagbisita Police Director General Albayalde ay kanyang pinangunahan kasama si Provincial Governor Marilou H. Cayco ang pag-aalis ng belo bilang simbolo sa anibersaryo ng pagkakadeklara ng probinsya ng Batanes bilang Drug Cleared na dinaluhan naman ng iba’t-ibang opisyal ng Municipal Anti- Drug Abuse Council (MADAC) at ng Barangay Anti- Drug Abuse Council (BADAC).
Bukod pa rito ay sinamahan rin ni PDG Albayalde si Hon. Anastacia B. Viola, ang Mayor ng bayan ng Basco sa kanilang isinagawang Ground Breaking Ceremony para sa kanilang bagong Police Station.
Samantala, muling pinaalalahanan ni Police Director General Albayalde ang kapulisan na laging paigtingin ang kanilang kampanya laban sa iligal na droga, pagsupil sa krimen at maging sa corruption upang mas lalong mapagsilbihan at maprotektahan ang taumbayan.