PNP Bayombong, Inaming Hirap sa Pagpuksa ng Droga sa Bayan!

Isang malaking hamon umano sa kakayahan ng isang hepe ang makapagdeklara ng drug cleared municipality matapos nitong aminin na mahirap malinis sa droga ang bayan ng Bayombong, Nueva Vizcaya.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Capt Jolly Villar, OIC ng PNP Bayombong, mahirap ideklarang drug cleared ang isang barangay lalo na ang Poblacion dahil na rin sa dami ng mga nahuhuling sangkot sa paggamit at pagbebenta ng iligal na droga.

Sa 25 barangay ng nasabing bayan ay dalawa (2) pa lamang ang drug cleared habang nasa 3 palang ang Drug Free simula nang ipatupad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kampanya kontra iligal na droga.


Umaabot naman sa 405 ang Tokhang Responders na sumailalim sa Community Based Rehabilitation Program (CBRP) ngunit ilan sa mga ito ay bumalik sa kanilang modus operandi na pagtutulak ng droga.

Ayon pa kay P/Capt Villar, patuloy pa rin ang kanilang mahigpit na kampanya at wala aniya silang sasantuhin sa sinumang mahuhuli na sangkot sa ipinagbabawal na gamot.

Samantala, todo suporta naman ang LGU Bayombong sa kanilang kampanya kung kaya’t laging nagpapaalala sa publiko na umiwas sa mga iligal na gawain.

Facebook Comments