Cauayan City, Isabela- Nakiisa ang Benito Soliven Police Station sa pagsasagawa ng BARANGAYanihan Caravan na isa mga ginagawang hakbang ng pamahalaan para matulungang makabangon ang mga Pilipino mula sa krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.
Pinangunahan mismo ng hepe ng PNP Benito Soliven na si PCapt Rufo Figarola Jr. ang paglulunsad ng “Duterte Legacy: BARANGAYanihan Caravan Toward National Recovery” kasama ang mga miyembro ng National Coalition of Lingkod Bayan Advocacy Group na binubuo ng KKDAT, LGBTQ, LGU, at ng mga opisyal ng Barangay.
Sa ilalim ng Barangayanihan caravan, nagtulong-tulong ang kapulisan katuwang ang mga nasabing grupo sa pagsasagawa ng Feeding program, Libreng Gupit, pamamahagi ng pagkain at tsinelas, at pagtatanim ng mga punong kahoy sa Brgy Capuseran sa nasabing bayan.
Layunin ng nasabing aktibidad na matulungan ang mga nangangailangang pamilya o indibidwal lalo na sa mga nakatira sa liblib na lugar na lubhang naapektuhan ng pandemya.
Determinado naman ang hepe ng pulisya na maipagpapatuloy ang kanilang nasimulang pamamahagi ng tulong hindi lamang sa pagbabantay sa mamamayan at sa Anti-Criminality Campaign kundi maging sa pagbibigay ng malasakit sa kapwa.
Ayon naman kay Regional Director PBGen Steve Ludan, matagumpay na naisasagawa ang nasabing programa sa iba’t-ibang bayan sa rehiyon dahil na rin sa tulong ng lahat ng mga ahensya ng gobyerno at NGOs.