Gagawa ng campaign guidelines ang Philippine National Police (PNP) na ipatutupad sa pagsisimula ng election period sa January 9 hanggang June 8, 2022.
Ayon kay PNP Chief Gen. Dionardo Carlos, ang PNP Directorate for Operations (DO) ang nakatutok at bumabalangkas ng guidelines na siyang ipapakalat sa mga lower units upang maging kanilang batayan sa pagpapatupad ng batas.
May plano na rin aniya ang PNP kung paano nila ipatutupadang social distancing o ang minimum public health standard lalo na sa iba’t-ibang campaign sorties at maging sa araw ng eleksyon.
Matatandaang una nang naglabas ng resolution ang Commission on Election (COMELEC) hinggil sa campaign protocol at malinaw na dapat pa rin sundin ng mga kandidato ang minimum public health standard sa kanilang mga campaign sorties.
Sa ngayon, naghihintay pa ng memorandum ang PNP mula sa COMELEC para sila ay maging deputized agency ng poll body.
Tiniyak naman ng PNP Chief na sa sandaling sila ay maging deputized agency ay susunod sila sa anumang direktiba ng COMELEC.