Burgos, Isabela – Nagsagawa ng kampanya ang PNP Burgos sa Lalawigan ng Isabela laban sa Modus Talakbu o taho-lako-bundol.
Ito ay sa pamamagitan ng pag-aabot ng mga fliers, pagdidikit ng mga mahahalagang impormasyon sa mga pampublikong lugar at mismong pakikipag-usap sa mga mamamayan ng naturang bayan.
Isinagawa kaninang alas-otso ng umaga ng Marso, 11, 2018 ang naturang aktibidad sa pamamagitan superbisyon ni PSInsp Juan Deodato, ang OIC ng PNP Burgos sa harap Trade Center ng Barangay San Antonio at sa harap ng Barangay Hall at palengke ng Barangay Caliguian sa naturan ding bayan.
Layon ng naturang inisyatiba na mawarningan ang mga mamamayan laban sa naturang mudos operandi.
Magugunita na viral ngayon sa social media ang mudos na magpapabangga sa kotse ang isang magpapanggap na nagtataho at kalaunan ay hihingi ng areglo upang hindi ituloy ang pagsasampa ng kaso.
Isinabay sa naturang aktibidad kaninang umaga ng PNP Burgos ang pagpapaliwanag sa mga mahahalagang impormasyon tungkol sa Violence Against Women and their Children (RA 9262), RA 8353 (Anti-Rape Law) at ang masasamang epekto ng paggamit ng illegal na droga.