PNP Camsur Nasa Full Alert Status, Obserbasyon ng UNDAS Gawing Ligtas, Taimtim at Makahulugan Para sa Lahat

Nasa full alert status na ang buong pwersa ng Philippine National Police sa Camarines Sur simula pa kaninang alas 6 ng umaga kaugnay ng obserbasyon ng undas. Ang bagay na ito ay ipinahayag ni PSupt. Venerando Ramirez ng PCR-PNP Camarines Sur.
Ayon pa kay Ramirez, makaasa ang mga uuwi ngayon hanggang bukas na sila ay ligtas sa anumang kapahamakan na maaring idudulot ng mga mapagsamantalang masasamang loob. Idinagdag pa ni Ramirez na makakaagapay rin nila sa pag-maintain ng peace and order ang mga local government units sa Camarines Sur kasama na ang mga municipal, barangay officials at mga tanod sa lahat ng mga kabayanang sakop ng probinsiya.
Kasabay nito, muling nagpaalala si Ramirez na iwasang magdala ng mga ipinagbabawal na kagamitan tulad ng deadly weapons, alak, sobrang lakas na mga sound system at maging ang pagsusugal sa mga sementeryo.
Sinabi rin ni Ramirez na paiigtingin nila ang pagbabantay sa mga airports, sea ports, mga transport terminals at iba pang matataong lugar.
Samantala, sa Naga City, activated na rin ang Joint Operation Center kung saan magiging katuwang ng LGU at Naga City Police Office ang iba’t-ibang ahensiya at sector sa lungsod upang mapangalagaan ang seguridad ng publiko kaugnay ng obserbasyon ng undas bukas hanggang sa November 2.
Magiging pangunahing concern din ang pag-manage ng daloy ng traffic sa lungsod lalung-lalo na sa bahagi ng Peñafrancia Avenue, San Felipe, Almeda High Way at Concepcion Pequeña areas kung saan kalimitang dinadaanan ng publiko papunta sa mga sementeryo dito sa lungsod.

rmn

Facebook Comments