PNP Cauayan City, Ipinagmalaki ang kanilang Nagawa sa Kampanya Kontra Droga!

Cauayan City, Isabela- Itinuturing ng PNP Cauayan City na matagumpay ang kanilang anti-illegal drugs campaign ngayong buwan ng Nobyembre.

Huling naaresto kahapon sa isang drug buybust operation si Arturo Valino, 23 anyos, kabilang sa watchlist ng PDEA at PNP Cauayan at kanyang kaibigan na si Jerson Elmido, 23 anyos na kapwa residente ng Brgy Alicaocao, Cauayan City, Isabela.

Dagdag dito, nitong Nov. 6, 2019 nang maaresto naman ang tatlong estudyante ng Cauayan City National High School na kinabibilangan ng isang menor de edad matapos maaktuhan sa pagpa-pot session sa loob mismo ng nasabing paaralan.


Ito ay kinabibilangan nina Dennis Cuntapay, 19 anyos, Fernando Jose Santos, 18 anyos, parehong grade 11 at kapwa residente ng Reina Mervedes, Isabela at ang 16 anyos na residente ng Brgy. San Fermin, Cauayan City, Isabela.

Nadakip rin sa drug buybust operation sa isang subdivision sa Lungsod ng Cauayan ang isa pang lalaki na si Edgar Valdez.

Ikinalulungkot naman ni PCapt Fernando Mallillin, chief investigator ng PNP Cauayan ang pagkakasangkot ng mga kabataan na kadalasang nahuhuli sa paggamit at pagbebenta ng droga.

Samantala, nakatakdang sampahan ngayong araw ng kaukulang kaso ang dalawang naaresto kahapon.

Facebook Comments