Cauayan City, Isabela- Mayroon nang sinusundan at ikinukonsidera ang PNP Cauayan City sa pagpatay sa isang delivery boy ng LBC sa Lungsod.
Ito ang ibinahaging impormasyon ni P/Lt. Col Gerald Gamboa, hepe ng PNP Cauayan sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.
Bagamat hindi pa maaaring isapubliko ang mga paunang impormasyong nakalap nila, tiniyak ng hepe na patuloy ang malalimang imbestigasyon na isasagawa nila.
Kinuha na rin nila ang mga CCTV footages na nasa paligid ng pinangyarihan ng krimen para sa ikakatukoy ng pagkakakilanlan ng mga riding in tandem criminals.
Magugunita na si Alvin Opulentia, 26 anyos na residente ng Brgy. Nappacu Grande, Reina Mercedes, Isabela ay binaril kahapon dakong alas 10 ng umaga.
Makikita sa CCTV footage na unang sumadsad si Opulencia sa gilid ng daan at binabaan pa ng isa sa riding in tandem criminals at tutukang pinaputukan ng baril ang kanyang ulo para matiyak ang kanyang kamatayan.
Tintayang 15 basyo ng bala ng hindi pa matukoy na kalibre ng baril ang narekober sa pinangyarihan ng krimen.
Nasa kamay na ng SOCO team ang mga ito at inaalam na kung anong uri ng baril ang ginamit.
Ayon naman sa tiyahin at nagpalaki sa biktima, si Opulencia ay magalang at pala simba kayat labis ang kanilang pagtataka sa sinapit ng biktima. Para mapadali ang pagkamit ng hinihinging hustisiya ng pamilya ni Opilencia, nanawagan si Lt. Col Gamboa ng pakikipagtulungan ng mga kaibigan, kamag anak at ka-trabaho nito para sa ibang impormasyong kakailanganin ng mga imbestigador.
Nakipag-ugnayan na rin ang pulisya sa pamunuan ng LBC na kumpanyang pinagtatrabahuan ni Opulencia na ipasakamay sa kanila ang mga dokumentong hawak ng biktima noong araw bago siya pinatay.
Naiwan ni Opulencia ang kanyang common law partner at tatlong taong gulang na anak.