*Cauayan City, Isabela-* Muling hiniling ng Cauayan City Police Station sa Sangguniang Panlungsod Council sa pangunguna ni City Councilor Cynthia Uy-Balayan na maamyendahan ang ordinansang sumasaklaw sa curfew hour para sa mga menor de edad sa Lungsod ng Cauayan.
Una rito, may mga ilang computer shop pa umano ang nag ooperate at tumatanggap ng mga menor de edad kahit na lagpas na ito sa oras ng curfew na simula alas dyes ng gabi hanggang alas kwatro ng madaling araw.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Capt. Esem Galiza, hepe ng Women and Children Protection Desk (WCPD), hindi kasi umano nakasaad sa ordinansa kung maaaring manghuli at magpataw ng parusa ang kapulisan.
Paliwanag pa ni Capt. Galiza na may mga ilang reklamo na rin silang natatanggap sa mga nagtutungo sa shop dahil na rin sa kawalan ng oras ng kanilang pamilya.
Hiniling din ni Capt. Galiza na kung sakaling maamyendahan ang nasabing ordinansa ay magkaroon ng limitadong oras ang ilang mga computer shop na mag operate hanggang alas dose lang ng madaling araw.
Nagpaalala naman ang kapulisan sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak na menor de edad.