Humingi ng pang-unawa ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa publiko na naabala sa mga inilatag na checkpoints ng Philippine National Police o PNP.
Paliwanag ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya, wala umanong dapat ikabahala ang publiko dahil sinadyang inilagay ang checkpoints sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 3 para higpitan ang restriction sa mobility ng mga unvaccinated na katao.
Ginagawa aniya ito para sa kapakanan at kaligtasan ng lahat.
Kahilingan din aniya ito ng business leaders, medical leaders at ibang grupo dahil sa mabilis na pagsipa ng kaso ng COVID-19.
Gumagawa na aniya ng adjustment ang PNP upang maiwasan ang nangyayaring pagsisikip ng daloy ng trapiko sa mga checkpoint area.
Pinapayuhan ni Malaya ang mga motorista o mga manlalakbay na bitbitin palagi ang kanilang vaccination card upang iwas abala sakaling papasok sila sa mga mall, mga pampublikong lugar at pampublikong sakayan.