Walang nakikitang pangangailangan si Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Benjamin Acorda Jr., para magsagawa ng loyalty check sa kanilang hanay.
Ito’y makaraang personal na ireklamo ng PNP chief ang retired army general at vlogger na si Johnny Macanas dahil sa pagdadawit sa kanya gayundin kay AFP Chief of Staff, Gen. Romeo Brawner Jr. sa usapin ng umano’y destabilisasyon sa pamahalaan.
Ayon kay Acorda, nananatili aniya ang suporta ng buong hanay ng Pambansang Pulisya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang kanilang Commander-in-Chief at nanumpa silang igagalang ang saligang batas at ang watawat ng bansa.
Inamin din ni Acorda na nagkausap na sila ni General Brawner hinggil sa usapin subalit ayaw muna niyang pangunahan ang magiging hakbang nito.
Samantala, sa panig ng AFP, ayaw na nila itong patulan pa kahit dating pinuno ng army reserved force si Macanas.
Una nang sinabi ni AFP Spokesperson, Col. Medel Aguilar na nakatutok sila ngayon sa mas mahahalagang misyon tulad ng laban kontra-terrorismo, insurgency at pagtatanggol ng soberanya ng bansa sa West Philippine Sea (WPS).