Siniguro ng liderato ng Philippine National Police (PNP) ang pagsasampa ng kaso laban sa ilang matataas na opisyal ng PNP na idinarawit sa iligal na droga.
Ayon kay PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr., kanilang papanagutin ang sinumang opisyal ng PNP na mapapatunayang may koneksyon sa iligal na droga partikular sa pagkakasabat ng 990 kilos na shabu sa Maynila noong nakaraang taon.
Aniya, pagkukumparahin nila ang imbestigasyon ng Special Investigation Task Group 990 at ang fact-finding na ginagawa ng National Police Commission para matukoy ang mga opisyal na dapat kasuhan.
Samantala, hindi naman na naglabas pa ng detalye si Acorda hinggil sa dalawang heneral at dalawang koronel na inirekomenda ng 5-man advisory group na sampahan ng kasong administratibo at alisin sa serbisyo.
Paliwanag nito, magkakaroon kasi ng joint press conference ang NAPOLCOM at Department of the Interior and Local Government (DILG) hinggil dito.