PNP Chief Archie Gamboa, tiniyak na hindi magkakaroon ng lamat ang relasyon ng PNP at AFP matapos mapatay ng mga pulis ang apat na sundalo sa Jolo, Sulu

Nagkasama at magkatabi pa sa upuan sina Philippine National Police (PNP) Chief Archie Gamboa at Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Felimon Santos Jr. sa isinagawang press conference kasama ang ilang Cabinet Secretaries at iba pang opisyal na kabilang sa Inter-Agency Task Force (IATF) sa Mandaue City, Cebu kahapon.

Ayon kay PNP Chief Gamboa, malalim na ang relasyon ng PNP at AFP bilang mga brotherhood at magkakasamang lumalaban para masawata ang mga grupong kalaban ng gobyerno.

Giit pa ng opisyal, ang unfortunate shooting incident sa Jolo, Sulu na ikinamatay ng apat na sundalo ay hindi makakaapekto sa relasyon ng AFP at PNP.


Umaapela naman si General Gamboa na maging kalmado sa harap ng mga kaliwa’t kanang ispekulasyon sa insidente para hindi ito magdulot pa ng gulo sa pagitan ng Sulu PNP at tropa ng 11th Infantry Division ng Philippine Army.

Sa ngayon aniya, mahalagang magkaroon nang mas maayos na komunikasyon at koordinasyon para hindi na maulit pa ang mga pagkakamali sa bawat PNP at military operation.

Sinibak na rin ang Chief of Police ng Jolo Municipal Police Statation na si Lt. Col. Walter Annayo, habang nasa restricted to barracks na ang siyam na pulis na sangkot sa pamamaril habang nagsasagawa ng imbestigasyon.

Pagtitiyak ni Gamboa, determinado ang PNP na malaman ang katotohanan at buo ang suporta sa ginagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation.

Facebook Comments