Mag-iikot si Philippine National Police (PNP) Chief Police Gen. Rodolfo Azurin Jr., sa kalakhang Maynila ngayong araw para inspeksyunin ang paghahanda ng Pambansang Kapulisan dahil sa long weekend kasabay nang paggunita ng Undas.
Unang pupuntahan ni PNP Chief Azurin ang isa sa pinaka matandang sementeryo sa Metro Manila ang Manila North Cemetery.
Dito titignan ng PNP chief ang ginagawang paghahanda ng mga awtoridad lalo na’t inaasahang dadagsain ito ng 1-M katao ngayong Todos Los Santos.
Maliban dito, magtutungo rin si Azurin sa pantalan, paliparan, terminal ng bus partikular na ang PITX at Cubao bus station.
Una nang ipinag-utos ni Gen. Azurin ang paglalagay ng mga police assistance centers sa mga pampublikong sementeryo at memorial parks sa tulong na rin ng Local Government Units (LGU), civilian volunteer organizations at civic clubs.
Nabatid na mula ngayong Biyernes hanggang sa Martes ng susunod na linggo ay naka-red alert ang PNP kung saan naka-deploy ang nasa 25,000 – 26,000 nilang mga tauhan sa buong bansa.